Ayan na rin sila! Senado, gagawa ng sariling imbestigasyon laban sa ‘kulto’ ng Socorro

Bubuksan ng Senate public order committee ang isa pang imbestigasyon laban sa Socorro Bayanihan Services Inc., ang diumanong kulto sa Surigao del Norte.

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado sa Socorro Bayanihan Services, na isa umanong kulto sa Surigao del Norte.

Partikular na iimbestigahan ng Senado ang diumanong mga paglabag sa karapatang pantao ng Socorro at mga koneksyon nito sa iligal na droga.

Pangungunahan ni Senador Bato dela Rosa, chairman ng Senate public order and dangerous drugs chair, ang nasabing pagdinig, na magsisimula sa Huwebes, Setyembre 28.

“Marami tayong iimbestigahan dito na mga allegations kung talaga bang ito ay totoo kaya magpapatawag tayo ng investigation para malaman ang katotohanan. At kung mayroon man talagang paglabag sa human rights at paglabag sa batas ito’y dapat maaksyunan ng ating gobyerno,” pahayag ni Dela Rosa sa isang panayam.

Nakatanggap rin si Dela Rosa ng liham mula kay Socorro Mayor Riza Timcang, na idinetalye ang mga diumano’y abusadong gawain ng kulto, kabilang na ang pagkakaroon ng drug laboratory sa compound nito at ang pang-aabuso umano sa mga bata ng pinuno nito na kinilalang si Jey Rence Quilario o “Senior Agila.”

Pinangungunahan na ng Department of Justice ang criminal investigation laban sa nasabing kulto, na dadalhin sa Maynila upang mas mapabilis ang pagsasampa ng mga kaso laban dito.