‘Away away away na ‘to’! Kamikazee, pinalayas dahil binastos ang Sorsogon – Gov. Hamor

Hindi pa matukoy kung ano ang ginawa ng banda, ngunit mukhang hindi ito katanggap-tanggap sa ama ng lalawigan, Sorsogon Gov. Edwin "Boboy" Hamor, at nagpasya itong sipain paalisin ang Kamikazee mula sa Casiguran—kahit na bayad na ito—kung saan nakatakda sana itong tumugtog sa concert.

Pinalayas ni Sorsogon Gov. Edwin “Boboy” Hamor ang bandang Kamikazee mula sa Casiguran, Sorsogon Linggo ng gabi, Oktubre 1 matapos diumanong “bastusin ng ang mga Sorsoganon” bago ito sumampa ng stage para tumugtog sa pista ng bayan na ipinagdiriwang sa kasalukuyan.

Kahit na bayad na ang banda, minabuti na ni Hamor na patalsikin ang banda mula sa probinsya dahil sa hindi pa natutukoy na pambabastos ng banda. Imbis na patuluyin sa Residencia, isang kilalang resort sa bayan, “doon na lang sila magpa-umaga sa airport,” sambit ni Hamor patungkol sa Bicol International Airport sa Daraga, na may dalawang oras na byahe mula sa Casiguran.

Paulit-ulit na humingi ng dispensa ang opisyal sa mga dumalo sa concert, lalo na sa mga dumayo pa para marinig ang mga banda. Kabilang sa mga tumugtog ang I Belong to the Zoo, at Imago, na sumalo sa panghuling set.

Nagdiriwang ang bayan ng Casiguran ng ika-423 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ngayong taon.

Nagsimula ang pagdiriwang ng Linggo, Oktubre 1, at matatapos ang pistang bayan sa Oktubre 7 kasabay ng selebrasyon ng pista ng Our Lady of the Most Holy Rosary, ang patron ng bayan.