Awat na sa bagyo muna! P375 milyong halaga ng palay, mais, gulay, wasak sa hagupit ni ‘Goring’

Tinatayang aabot sa P375 milyong halaga ng sirang tanim ang dulot ng Bagyong “Goring,” ayon sa Department of Agriculture.

Tinatayang aabot sa P375 milyong halaga ng sirang tanim ang dulot ng Bagyong “Goring,” ayon sa Department of Agriculture.

Sa kanilang pinakahuling ulat noong Huwebes, ika-31 ng Agosto, sinabi ng DA na aabot sa 15,856 metric tons (MT) sa 16,145 ektarya ng lupa ang pinsalang dulot ni Goring sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Western Visayas. Apektado ang kabuhayan ng 8,483 na mga magsasaka mula sa mga naturang rehiyon.

Napuruhan ang mga tanim ng palay, mais, at iba pang high-value crops, ayon sa kalatas ng DA.

Umabot sa P241.8 milyon na halaga ng palay ang winasak ni Goring, katumbas ng 11,712 MT na aanihin sana sa 10,562 ektarya ng lupa. Sumunod naman ang mais na nagtamo ng P132.4 milyon na katumbas ng 4,130 MT na ani sa 5,580 ektaryang lupa.

Samantala, umabot sa P715,500 na halaga ng high-value crops ang nasira, katumbas ng 14 MT na ani sa tatlong ektaryang lupang sakahan.

Ayon sa DA, kasalukuyang nagpapalabas na ang mga ahensiya nito ng tulong para sa mga apektadong magsasaka, kabilang ang P100 milyong halaga ng binhi ng palay, mais, at gulay; gamot at bitamina para sa mga may-alaga ng hayop, at pagpapalabas ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasirang taniman.

“Patuloy na magbibigay ng updates ang DA-DRRM Operations Center ukol sa epekto ni Goring,” ayon sa pahayag ng DA.

Nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility si Goring, ngunit kapapasok lamang ng Bagyong “Hanna” at inaasahang patuloy ang mga pag-ulan sa mga susunod na araw.