Approved! Loan para sa flood control, aprubado na ng ADB

Inaprubahan na ng Asian Development Bank ang loan ng pamahalaan para sa mga flood control infrastructure projects nito na makakatulong sa 22 local government units at humigit-kumulang 150 barangay.

Aprubado na ng Asian Development Bank (ADB) ang US$303-milyong loan ng pamahalaan para sa flood control at climate risk-related projects.

Inanunsiyo ito ng ADB sa isang opisyal na pahayag, kung saan sinabi nitong ang aprubadong loan ay gagamitin para protektahan ang mga tao naninirahan malapit sa tatlong major river basins sa bansa.

“Climate change is expected to raise risks from extreme weather events. These river basin communities are highly vulnerable to climate-related hazards, as we have seen in recent years when typhoons destroyed infrastructure, displaced families, and damaged crops,” paliwanag ni ADB Senior Water Resources Specialist Junko Sagara sa nasabing pahayag.

Ang naturang loan ay gagamitin upang pondohan ang Integrated Flood Resilience and Adaptation Project – Phase 1 sa Abra river basin at ang Ranao/Agus and Tagum–Libuganon river basins sa Timog Mindanao.

Tiniyak ng ADB na masusing napag-aralan ng mga proyektong ito at gagamit ng mga up-to-date technologies.

Tinatayang matutulungan ng mga nasabing proyekto ang 22 local government units at humigit-kumulang 150 barangays.