Ano, palag? Confidential funds ng 5 ahensya, kabilang ang OVP, Deped, tuluyan nang nilipat ng Kamara

Sinuyod ng House small committee ang panukalang budget upang siguruhin na mapupunta sa maayos ang paggastos ng gobyerno, giit ni Speaker Martin Romualdez.

Pormal nang tinanggal ng Kamara ang P1.23 bilyong halaga ng confidential funds ng limang ahensya kabilang ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng panukalang P5.768-trilyong budget para sa susunod na taon.

Nagkasundo ang House small committee na ilipat ang kabuuang P194 bilyon ng panukalang 2024 budget—kabilang ang P1.23 bilyong halaga ng confidential fund—sa mga mas mahalagang programang tulad ng pagprotekta sa teritoryo ng bansa, pagsugpo sa tumataas na presyo ng mga bilihin at iba pang kaugnay na proyekto, ayon kay Appropriations committee senior vice chair Stella Quimbo.

“Our panel introduced P194 billion worth of institutional amendments. The main goal was to rationalize the allocation of resources to fight inflation, invest in human capital and in our country’s future,” sinabi ni Quimbo sa isang pulong balitaan.

“We believe that the House of Representatives is on the right side of history,” aniya.

Maliban sa OVP at DepEd, tinanggal rin ng House small committee, na inatasan ni Speaker Martin Romualdez na repasuhin ang panukalang budget, mula sa Department of Agriculture, Department of Information and Communications Technology, at Department of Foreign Affairs.

Ipapamahagi ang P1.23 bilyong halaga ng confidential funds sa mga sumusunod na ahensya:

-P300 milyon sa National Intelligence Coordinating Agency;

-P100 milyon sa National Security Council;

-P200 milyon sa Philippine Coast Guard para sa intelligence activities at ammunition; at

-P381.8 milyon sa Department of Transportation (DOTr) para sa airport development/expansion ng Pag-asa Island Airport