Ano ba talaga? Panelo itinangging may ‘gentleman’s agreement’ si Du30 sa China

Tila 'di nagtutugma ang pahayag ng dalawang dating tagapagsalita ni ex-president Rodrigo Duterte hinggil sa isyu ng 'di umano'y pakikipag-kasundo niya sa China.

Tila ‘di nagtutugma ang pahayag ng dalawang dating tagapagsalita ni ex-president Rodrigo Duterte hinggil sa isyu ng ‘di umano’y pakikipag-kasundo niya sa China.

Ngayong Lunes ay lumantad sa panayam ng SMNI si Atty. Sal Panelo upang ibunyag na walang kasunduan sa pagitan ni Duterte at ng China.

“Sinuman ang nagpapakalat na pumasok si FPRRD sa ‘gentleman’s agreement’ sa China, sinungaling at gusto ng publisidad,” saad ni Panelo.

Dagdag pa niya, nakumpirma niya mismo kay Duterte na walang ‘gentleman’s agreement.’

“Kausap ko po si presidente Duterte twice over this Holy Week. Ang sabi niya, ‘I have not entered into any gentleman’s agreement whatsoever,'” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Panelo ay taliwas sa isiniwalat ni Atty. Harry Roque noong nakaraang linggo.

“This is not a secret deal. This was made public by Secretary [Alan Peter] Cayetano na walang gagalaw, walang improvement [sa BRP Sierra Madre], walang problema sa Ayungin,” wika ni Roque sa panayam ng Politiko.

“Because of this ‘gentlemen’s’ agreement between the Philippines and China during the time of President Rodrigo Roa Duterte, tubig at pagkain lang ang dadalhin [sa Ayungin],” aniya pa.

Si Panelo ay nagsilbing tagapagsalita ni Duterte mula 2018 hanggang 2020. Ang nasabing posisyon ay hinawakan naman ni Roque mula 2017 hanggang 2018 at mula 2020 hanggang 2021.