Ano ba talaga, mga kuya? Commuter group, nais ang abot-kayang pamasahe, pero umalma sa P1 taas-pasahe

Nanawagan ang Move As One Coalition sa pamahalaan na gamiting ang buwis ng taumbayan upang mapanatiling abot-kaya ang pamasahe na hindi naaargabyado ang mga tsuper. Ito ay matapos aprubahan ng LTFRB ang P1 taas-pasahe.

Inalmahan ng Move As One Coalition ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas ang pasahe sa jeepney simula Linggo, Oktubre 8.

“Naninindigan ang Move As One Coalition na wala sa mga pasahero o tsuper ang dapat sumalo sa epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo. Ang pampublikong transportasyon ay isang kritikal na serbisyong inaasahan ng milyon-milyong Pilipino,” pahayag ni Move as One Coalition civil engagement lead Kat Moreno nitong Martes, Oktubre 3.

Ayon sa grupo, hindi dapat “ipagsabong ang interes ng ating mga tsuper at komyuter sa tuwing magtataas ang presyo ng krudo.” Bagkus, dapat raw gamitin ng pamahalaan ang buwis ng taumbayan upang mapanatiling abot-kaya ang pamasahe na hindi naaargabyado ang mga tsuper.

“Ang dalawang sektor na ito ay parehas nangangailangan ng suporta ng estado,” pagdidiin pa ni Moreno.

Sa ibinabang taas-pasahe, magiging P13 na ang minimum fare sa mga traditional jeepney samantalang P15 sa mga modern jeepneys.