Andito na ang tropa! Barko ng Canada, nasa Pinas na para sa Exercise Samasama

Nasa bansa na ang warship ng Canadian Navy na HMCS Vancouver upang makilahok sa “Exercise Samasama” kasama ang mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos.

Dumaong na sa bansa nitong Biyernes, Setyembre 29, ang frigate ng Canadian Navy na HMCS Vancouver upang makilahok sa mga military drills kasama ang mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ang nasabing military drills ay parte ng Exercise Samasama, na layon namang pag-igtingin ang tulungan ng Pilipinas, Canada, at Estados Unidos sa maritime security. Ito ang unang beses na lalahok ang Canada sa naturang exercise.

“Vancouver’s participation in ‘Samasama’ is to promote regional security cooperation, maintain and strengthen maritime partnerships, and enhance maritime interoperability,” paliwanag ni Commander Meghan Coates, ang commanding officer ng HMCS Vancouver, sa isang press conference sa loob ng HMCS Vancouver.

Dagdag pa ni Coates, lalahok ang miyembro ng Canadian Armed Forces sa mga medical, legal, women, peace, and security activities sa shore phase ng Exercise Samasama.

“We are honored by the opportunity to participate in this complex exercise, highlighting the collaboration between like-minded partners, training and real-world environments,” pahayag pa ni Coates.