Anak pa mismo ang mastermind: 1 sa 2 salarin sa lantarang pamamaril sa bus, timbog na sa awtoridad

Mismong ang nahuling suspek na rin ang nagdiin sa anak ng babaeng biktima, na aniya’y siyang mastermind kasama ang isang alyas “Umpak.”

Arestado na ang isa sa sa dalawang salarin sa lantarang pamamaril sa loob ng isang bus sa Nueva Ecija noong nakaraang buwan.

Ayon sa Central Luzon police, naaresto ang suspek, na tinukoy na alyas “Allan” noon pang Nobyembre 20, o limang araw matapos ang pamamaril.

Kaugnay niyan ay sinampahan na siya ng kasong murder, kasama ang isa pang gunman, isang hindi pa matukoy na driver, at ang anak ng babaeng biktima na tinukoy bilang alyas “Tisoy.”

BASAHIN RIN: Garapalan na ito: Pamamaril sa loob ng bus ng dalawang pasaherong babae, naaktuhan sa CCTV

Mismong ang nahuling suspek na rin ang nagdiin sa anak ng babaeng biktima, na aniya’y siyang mastermind kasama ang isang alyas “Umpak.”

Sinabi rin niya sa isang panayam sa ABS-CBN na inalok sila ng P60,000 kada biktima, at nakatanggap na rin daw sila ng P20,000 na downpayment.

BASAHIN RIN: May malalim na ugat? Away-pamilya, sinisipat na motibo sa lantarang pamamaril sa bus—PNP

Humingi rin si Allan ng dispensa sa mga pamilya ng nasawi.

“Sa konsensya ko po, sa habag po ng aking damdamin, tao lang din po akong nagkakamali… Basta importante hindi po natutulog ang Panginoon,” aniya.

Hinikayat rin niya ang iba pang suspek na sumuko na sa mga awtoridad.