Amoy sabotahe? Gusot sa NAIA, maaaring bwelta laban kay DOTR Sec. Bautista – Romualdez

Hinala ni House Speaker Martin Romualdez, maaaring may sumisira kay Transportation Secretary Jaime Bautista matapos ang tila patong-patong na kontrobersiya sa NAIA.

Posibleng may naninira kay Transportation Secretary Jaime Bautista matapos ang tila patong-patong na kontrobersiya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

“Every now and then, we hear of nefarious activities, aviation glitches, power equipment malfunctions and disruptions, and similar nasty things taking place at the airport. There may be people sabotaging him,” sinabi ni Romualdez sa isang pahayag nitong Lunes, Setyembre 25.

Dahil dito, mariin niyang pinaalalahanan si Bautista na maging mas masigasig sa pagbabantay sa poder nito. Matatandaang sangkot ang Office of Transport Security (OTS) sa isang gusot matapos makita sa CCTV footage ang pagnanakaw diumano ng isang OTS officer ng $300 mula sa isang papaalis na turista.

Kamakailan naman ay nahuli rin sa CCTV ang diumano’y pagnanakaw ng isa pang OTS officer ng tsokolate naman.

Nauna nang nirekomenda ni Romualdez na repasuhan ang staff ng OTS workforce at itira lamang ang mga makakalagpas sa masusing pagkilatis.