Alis d’yan, China! DFA, muling iginiit na parte ng Pilipinas ang Scarborough Shoal

Bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough Shoal, at dapat tanggalin ang baklad na kinabit ng China sa karagatan doon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Paglabag sa soberanya ng bansa ang pagkabit ng floating barrier sa Scarborough Shoal ng China dahil malinaw na teritoryo ito ng Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Bahagi ng Pilipinas ang Scarborough Shoal at ang karagatang sakop nito, sangayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), paliwanag ni Foreign Affairs spokesperson Ma. Teresita Daza.

Kinatigan rin ng 2016 Arbitral Award na traditional fishing ground ang Scarborough Shoal ng mga mangingisdang Pilipino.

“China’s reported installation of barriers and its negative impact on the livelihood of Filipino fisherfolk or any other activity that infringes upon the Philippines’ sovereignty and jurisdiction in Bajo de Masinloc are violations of international law, particularly UNCLOS and the Arbitral Award,” ani Daza.

Ayon sa DFA, gagawin nito ang lahat ng naaayong hakbang para protektahan ang soberenya ng Pilipinas at kabuhayan ng mga mangingisda, dagdag pa ni Daza.