Alice Guo stressed na, ‘di na aattend sa Senate hearing

Hindi na dadalo si suspended Bamban Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Hindi na dadalo si suspended Bamban Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Ayon kay Attorney Stephen David, abogado ni Guo, na-trauma ang mayor sa kamay ng mga senador.

Nagpalabas na ng subpoena ang senado at nagbabala na rin sina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian na maaring ma-cite in contempt si Guo kung hindi sisipot sa Senado.

“Nu’ng kausap ko siya, ang sabi niya mukhang hindi niya kaya dahil sa mga trauma na nararanasan niya. Mantakin mo naman sa dami ng mga binabatong alegasyon sa kanya tapos sinisigawan pa siya do’n. ‘Yung stress level niya masyado nang mataas. Parang natu-trauma na siya kapag naririnig niya ‘yung mga ganyang hearing e,” pahayag ni David.

Ayon kay David, bahala na ang mga mambabatas kung maniniwala sa medical reasons ni Guo.

Ayon kay David, may medical conditions si Guo at binigyan ng gamot. Pero ayon sa abogado, ayaw ng mga doctor na mag-isyu ng medical certificate sa takot na gawing testigo ng Senado.

“Pinagtataka niya bakit galit na galit sa kanya ang mga netizen e samantalang wala naman siyang ninakaw, wala namang kinorap, wala namang pinatay na tao. Hindi niya maintindihan, samantalang mahal na mahal naman siya ng mga kababayan niya. Bakit ginaganyan siya? ‘Yun ang hindi niya maintindihan,” pahayag ni David.