Alay para sa mga Bicolano: NBI, PCG training academies, itatayo sa Bicol region—Zaldy Co

Ang NBI Academy na itatayo Legazpi, Albay ay may pondong P250 milyon, samantalang ang PCG Academy na itatayo sa Cagraray, Bacacay sa Albay ay may pondong P300 milyon.

Nakakasa na ang pagpapatayo ng dalawang enforcement training institutions sa Bicol region—ang National Bureau of Investigation (NBI) Academy at ang Philippine Coast Guard (PCG) Academy.

Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, magbibigay ng dekalidad na law enforcement training sa mga Bicolano ang dalawang malaking proyekto na aniya’y makatutulong rin sa seguridad ng bansa.

“This development initiated in March is anticipated to fortify regional and national security,” ani Co, na isa sa mga nagsulong sa pagpapagawa ng dalawang institusyon.

“Another academy, ‘yung Philippine Coast Guard Academy, pero this time sa Pacific side, another development ‘yan para sa Bicol Region,” dagdag pa ni Co. “[This] underscores the commitment to bolstering maritime security.”

Ang NBI Academy ay itatayo Legazpi, Albay, at pinondohan ng P250 milyon sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), paliwanag ni Co, na chairman ng House appropriations committee. Samantala, itatayo naman ang PCG Academy sa Cagraray, Bacacay sa Albay at ang pondo nito ay P300 milyon.

Sinabi pa ni Co na magpapatayo rin ng isang pasilidad para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bayan ng Estanza para sa mga nakatatanda, mga naulila, at mga inabusong kababaihan.

“Nagdonate ako ng lupa (property) kasi na observe ko wala tayo sa Legazpi na facility para sa mga matatanda katulad ng Home for the Aged, wala tayong reception house for the abused women and rape victims, wala rin para sa orphanage,” giit ni Co.

“Kausap na natin ang DSWD, sila ang bahala sa plano ng facility. We have provided the property kung saan itatayo ang pasilidad and we are just waiting for the groundbreaking ceremony para masimulan na ang construction nito,” dagdag pa niya.