AFP hospital sa Zamboanga tumanggap ng P80-M mula kay PBBM

Tumanggap ng donasyon na aabot sa P80 milyon ang Camp Navarro General Hospital (CNGH) sa Zamboanga City kasabay ng pagbisita rito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Huwebes.

Tumanggap ng donasyon na aabot sa P80 milyon ang Camp Navarro General Hospital (CNGH) sa Zamboanga City kasabay ng pagbisita rito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Huwebes.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang naturang halaga ay handog ng Office of the President sa pagamutan. Ito raw ay upang mapaunlad ang serbisyo ng nasabing pasilidad.

“Nagpasalamat ang Pangulo sa mga tauhan ng CNGH para sa kanilang paglilingkod sa mga sundalo at sibilyan sa lalawigan,” saad sa post ng PCO.

“Ipinagtibay din niya ang suporta ng pamahalaan sa paghahatid at paglalapit ng abot-kayang healthcare services sa ating mga kababayan sa Western Mindanao,” dagdag pa nito.

Ang Camp Navarro General Hospital ay ang pagamutan sa Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).