Advance lang mag-isip: Daang sinisira para gawing muli, kinuwestiyon ng mga senador

Tila hindi gusto ng mga senador ang karaniwang gawain ng DPWH na bubungkalin ang daang wala namang sira upang gawin ito muli. Ayon naman sa ahensiya, ito ay praktikal lamang dahil preventive maintenance ito.

Pinuna ng mga senador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tila pagsira umano nito ng mga kalsada upang ayusin rin ito muli.

Sa budget hearing para sa DPWH ng Senate Committee on Finance na pinangungunahan ni Sen. Sonny Angara, kinuwestyon ni Sen. Ronald dela Rosa ang pagsira at pagkompuni ng mga kalsada na maayos naman sa umpisa habang ang mga sira naman ay hindi inaayos at nakatengga lang.

Paliwanag naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, ‘preventive maintenance’ at ‘reconstruction” ang kanilang ginagawa para maiwasan ang tuluyang pagkasira ng mga lansangan.

Dagdag pa ni Bonoan, kapag nagsisimula nang masira ang mga kalsada mas ‘economical’ o mas makabubuti kung isasailalim na agad ang mga ito sa preventive maintenance.

Hindi naman naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel, dahil taliwas ito sa nakikita ng publiko, lalo’t tila hindi inaaksiyunan ng ahensiya ang mga sirang daan.