Aba, pinalagan ang Speaker! OTS chief, bumwelta laban kay Romualdez

Ayon sa opisyal, maninindigan siya bilang lider ng Office for Transportation Security (OTS) at kakausapin ang kanyang mga opisyal ng Department of Transportation.

Ikinagulat ni Office for Transportation Security (OTS) administrator Ma.O Aplasca ang panawagan ni House Speaker Martin Romualdez na magbitiw sa pwesto matapos ang serye ng mga iregularidad sa airport kamakailan.

Sa isang pahayag, nalungkot si Aplasca sa apela ni Romualdez dahil tanging ang paglilinis ng hanay ng OTS ang kanyang tinututukan simula nang pamunuan niya ang ahensya noong nakalipas na taon.

“I have done nothing wrong but to cleanse our office with corrupt officials. Why am I now being attacked? For going after corrupt officials? I think it should be the other way around,” ani Aplasca.

“The corrupt officials should instead be asked to resign. The case involving stealing of the 300 US dollar bills is still being resolved, mauna pa mawala yung mga nag-imbistiga. There must be something wrong somewhere,” dagdag pa ni Aplasca.

Ayon sa opisyal, nagkapagsampa na ng 68 na administrative case ang OTS laban sa mga kawani nito, at mula sa bilang na ito, 11 na tauhan na ang sinisante sa trabaho.

Tuloy-tuloy rin diumano ang pagpapatupad ng OTS ng mga programa para tanggalin ang kultura ng korapsyon sa sistema ng ahensya.

Sinabi ni Aplasca na nasolusyunan niya ang problema ng ahensya sa pasahod, na kanyang hinarap ng mag-umpisa siyang manungkulan doon noong Hulyo 2022.

Giit ng opisyal na maninindigan siya bilang lider ng ahensya sa mga nangyari kamakailan.