Aabutin ang lahat! PBBM sa DSWD: Mamigay ng ayuda sa sari-sari store owners

Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mamahagi ng ayuda para sa mga sari-sari store owners na apektado ng takdang presyo ng bigas.

Ipinagutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbabahagi ng ayuda para sa mga may-ari ng sari-sari store na apektado ng takdang presyo ng bigas.

Sa ulat ng kagawaran sa tanggapan ng pangulo, sinabi ng DSWD na nakatakda itong mamigay sa mga kwalipikadong may-ari mula Setyembre 25 hanggang 29, sa pakikipagtulungan nila sa Department of Trade and Industry (DTI) na tumukoy sa mga benepisyaryo.

Unang namahagi ang gobyerno ng ayuda para sa mga maliliit na rice retailers na apektado ng takdang presyo sa bigas na umiiral ngayong buwan.

Ayon sa huling ulat ng DSWD, nakapagbahagi na ng P92.415 milyong halaga ng ayuda sa 6,161 na benepisyaryo mula sa target na 8,390 na natukoy na micro at small rice retailers ng DTI.