“A good leader, if he decides to run for president”: Buong suporta kay Romualdez, sakaling tumakbo sa pagkapangulo–House majority leader

Sinabi na ni House Speaker Martin Romualdez na nakatuon ang kaniyang pansin sa kaniyang trabaho bilang speaker at sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino.

Bagaman pinabulaanan na ni House Speaker Martin Romualdez ang mga haka-hakang may balak siyang tumakbo bilang pangulo sa 2028, makakaasa naman siya sa suporta ng isang mambabatas.

Sinabi ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe na susuportahan niya si Romualdez kung sakaling tumakbo nga ito sa pagkapangulo.

“Oh, why not. I would support him if he decided to run,” sabi ni Dalipe nang tanungin ito sa isang panayam.

Gayunpaman, iginiit ni Dalipe na walang plano ang Speaker na tumakbo.

“But if you ask me right now, would I support him? Of course, he’s a very good Speaker saka hardworking one as Speaker. Pero… wala pa naman siyang intensyon para tumakbo ng president, wala siyang sinasabi,” aniya.

Nauna nang sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na nagbabalak tumakbo si Romualdez bilang pangulo sa 2028. Mariin naman itong pinabulaanan ng Speaker, na nagsabing nakatuon ang kaniyang pansin sa kaniyang trabaho bilang speaker at sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino.