9 atletang Pinoy papakitang-gilas sa Paris Olympics

Pumalo na sa siyam ang bilang ng mga Pilipinong atleta na pasok na sa 2024 Paris Olympics, matapos mag-qualify ang Pinay weightlifter na si Vanessa Sarno nitong Linggo.

Pumalo na sa siyam ang bilang ng mga Pilipinong atleta na pasok na sa 2024 Paris Olympics, matapos mag-qualify ang Pinay weightlifter na si Vanessa Sarno nitong Linggo.

Nagtala si Sarno ng kabuuang iskor na 245 kilo sa 71-kg division ng women’s weightlifting sa ginaganap na International Weightlifting Federation (IWF) World Cup sa Phuket, Thailand.

Sa kanyang naitalang iskor, 110 kilo ang kanyang nakuha sa snatch habang 135 kilo sa clean-and-jerk.

Sapat na ito upang manatili sa ika-limang pwesto sa IWF Olympic Qualification Ranking. Ang top 10 sa naturang ranking ang papasok sa Olympics, kaya naman selyado na ang pwesto ni Sarno sa naturang palaro.

Si Sarno ang ikatlong weightlifter na nakasungkit ng tiket tungo sa Paris Olympics, kasama sina John Ceniza at Elreen Ando.

Ang iba pang mga Pilipinong atleta na sasabak sa Paris ay sina EJ Obiena, Eumir Marcial, Nesthy Petecio, Aira Villegas, Carlos Yulo, at Aleah Finnegan.