71 tenants at empleyado ng Embarcadero de Legazpi, sumailalim sa disaster risk reduction management seminar

Regular na ginagawa ng pamunuan ng Embarcadero de Legazpi ang seminar upang pataas ang kasanayan ng mga tenant at empleyado sa mga dapat gawin kapag may sakuna.

LEGAZPI CITY – Dumalo ang nasa 71 tenants at empleyado ng Embarcadero De Legazpi sa Lungsod ng Legazpi para sa Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Seminar na isinagawa sa event plaza ng naturang venue.

Inimbitahan bilang guest speaker si Eugene Escobar ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) kung saan tinuruan nito ang mga dumalo ng mga dapat gawin tuwing may kalamidad o sakuna tulad ng bagyo, lindol, tsunami, landslide, at pag-alburuto ng bulkan.

Aniya, dahil sa nasa coastal barangay ang Embarcadero, maituturing ang lugar na tsunami-prone.

Isa sa mga dumalo ang dalawang taon ng tenant na si Jirah Marifosque na ikigagalak na naging bahagi siya ng seminar. Dahil dito mas lumawak pa ang kanyang kaalaman na pwedeng maituro rin sa kanyang pamilya.

Ayon naman kay Raymund Pasano, ang Chief of Safety and Security at I.T ng Embarcadero, taon-taon talaga nila ginagawa ang aktibidad at ngayong taon ay katuwang nila ang APSEMO.

Mahalaga aniyang maging handa ang kanilang empleyado at tenants upang maiwasan ang casualty sa mga oras ng emergency.

Bilang bahagi rin ng aktibidad, magkakaroon din ng “Fire Drill” at “Earthquake Drill” ang Legazpi City Fire Station sa loob ng business center.