7, sugatan sa serye ng aksidente sa Bicol

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga nagmamaneho ng sasakyan na maging maingat lalo na kapag bumabaybay sa mga kalsada sa gabi.

MASBATE- Agad tumugon ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa dalawang lalaking naaksidente sa sinsakyang motorsiklo sa Barangay Bagacay, Mobo, Masbate alas-11:00 ng gabi nitong Miyerkules, Oktubre 11.

Ayon sa MDRRMO Mobo, galing sa isang pagtitipon ang dalawang biktima at pauwi na sana sa kanilang bahay nang sumemplang ang kanilang motorsiklo.

Wala suot na helmet at lasing ang dalawang sugatang biktima. Batay sa datos ng opisina, ito na ang ikalawang aksidenteng naitala sa kanilang lugar ngayong buwan.

Sa Tinambac sa Camarines Sur, duguan ang isang lalaki matapos bumangga ang kanyang motorsiklo sa tumatawid na baka sa kalsadang sakop ng Zone 6, Sitio Tagudtod, San Jose.

Kinilala ang biktimang si Albert Narsesu 30-anyos, na napinsala ang ulo at nagpapagaling na sa ospital.

Sa Lupi sa Camarines Sur, sugatan naman ang isang motorista makaraang maaksidente sa Maharlika Highway sa Barangay Napolidan at agad namang nirespondehan ng Lupi MDRRMO saka isinugod sa ospital.

Sa Sipocot, Camarines Sur, sugatan ang tatlong sakay ng kotse matapos na tumagilid sa barangay Managle.

Galing ng Polangui, Albay at papunta sana ng Manila ang mag-asawa at ang kanilang pitong taong gulang na anak ngunit habang binabaybay nila ang naturang daan, nawalan ng preno ang sasakyan na nauwi sa aksidente. Agad namang narespondehan ang mga biktima.