558 barangay sa Albay, drug-cleared na; 95 iba pa, nananatiling drug free—PDEA Bicol

Tuloy ang kampanya ng mga awtoridad laban sa paglaganap ng iligal na droga sa probinsya.

LEGAZPI CITY – Nasa 67 pang mga barangay sa Albay ang patuloy pang sinisikap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol, Philippine National Police (PNP) Bicol, at iba pang sangay ng gobyerno na maideklarang drug-cleared.

Sa pinakahuling tala ng PDEA Bicol, sa 720 barangay sa Albay, 558 na ang naideklarang Drug-Cleared, 95 naman ang nananatiling Drug-Free Barangays.

Ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si PDEA Agenet Lorena Uy, sa darating na Oktober 23, 2023 ay magsasagawa sila ng deliberasyon para sa mga barangay na nakapagsumite na ng mga kinakailangang dokumento upang maideklarang drug-cleared.

Samantala, sa ginawang Anti-Drug Abuse Council (PADAC) Meeting nitong September 29, 2023, sinabi ni Albay Police Provincial Director Police Colonel Fernando Cunanan Jr. na nais niyang makilala ang probinsya na pinaka-unang Drug Cleared province sa buong bansa.