5 nasaktan sa pagyanig sa Cagayan, ayon sa ulat ng OCD

Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense, wala namang namatay sa lindol na naganap sa Cagayan nitong Setyembre 12, subalit may 5 na nasaktan.

Niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang Cagayan nitong Martes, Setyembre 12, at ang epicenter nito ay sa Dalupiri Island sa Cagayan.

Bagaman may kalakasan ang nasabing lindol ay wala namang nasawi, ayon sa huling ulat ng Office of Civil Defense.

Batay sa nasabing ulat, na nilabas ng OCD nitong Miyerkules, Setyembre 13, may napaulat ng 5 na nasaktan dahil sa pagguho ng isang pader sa Calayan. Tatlo sa kanila ay nagtamo ng minor injuries lamang, subalit dalawa ang nagkaroon ng brain trauma at concussion.

Dagdag pa ng OCD, wala namang major damage sa mga inprastraktura na napaulat.
Patuloy namang mino-monitor ng OCD ang mga lugar na lubhang tinamaan ng lindol, lalo na ang Cagayan Valley at Ilocos region. Naramdaman rin ang pagyanig sa mga probinsiya sa Cordillera Administrative Region at Central Luzon.

Nakahanda rin ang OCD at pamahalaan na magpaabot ng tulong kung kinakailangan.