4 patay sa rabies infection matapos magtungo sa albularyo – Albay provincial health office

Umapela ang Albay Provincial Health Office (PHO) sa publiko na huwag nang magpunta sa mga albularyo para magpagamot, at sa halip, magtungo sa mga pagamutan.

Nagbabala ang Albay Provincial Health Office (PHO) laban sa pagtungo sa mga albularyo para magpagamot ng kagat ng hayop matapos maiulat na apat na ang namamatay dahil sa rabies sa unang siyam na buwan ng taon.

Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), lahat ng namatay sa rabies ay hindi nagtungo sa ospital o animal bite center para humingi ng lunas, at dalawa sa mga biktima ay nagpunta sa albularyo para sumailalim sa “tambal.”

Sa tambal, gumagamit ng maliliit na piraso ng sungay ng kalabaw at itutusok iyon para umano’y higupin ang rabies virus mula sa dugo ng biktima.

“The four death cases were from the municipalities of Guinobatan, Bacacay, Tabaco City, and Daraga. Lahat po hindi nagpa-vaccine, both human and animal,” ani Jan Edmund Dominic Bailon, hepe ng PESU.

Lahat ng biktima ay nakaranas ng mga sintomas na may kaugnayan sa rabies, ayon kay Bailon.

Hinimok ng opisyal ang publiko na magtungo sa mga ospital o animal bite center kapag nakagat ng hayop dahil ang tanging lunas sa rabies ay bakuna.

“Still, vaccination. We have two animal bite clinics in the province that offer free vaccination. The Municipal Agriculture Office provides free vaccination for dogs and cats,” ani Bailon.