35 yrs old may retirement visa? Tulfo duda sa dami ng Chinese sa ‘Pinas

Mula sa 79,000 na mga foreigner retirees sa bansa, lumabas na mahigit 30,000 mula rito ay mga Chinese ayon sa Philippine Retirement Authority (PRA)

Mula sa 79,000 na mga foreigner retirees sa bansa, lumabas na mahigit 30,000 mula rito ay mga Chinese ayon sa Philippine Retirement Authority (PRA)

Kaya naman umapela si ACT-SIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ng imbestigasyon sa Kamara ukol sa mga dokumentong pinapasa ng mga Chinese nationals upang mamalagi sa Pinas.

Nakasentro ang imbestigasyon sa proseso ng ahensyang nakatoka sa pag-apruba ng Special Resident Retiree’s Visas (SRRV), Special Investor’s Resident Visa (SIRV), at sa pagrerehistro ng mga delayed na birth certificates ng mga foreign nationals.

“Nakababahala ang patuloy na pagdagsa ng mga Chinese nationals sa ating bansa at ang mas nakababahala ay kung paano sila nakapasok sa atin? Ano ang mga pinanghahawakan nilang dokumento bakit sila nakapag-trabaho ng legal sa ating bansa,” sabi ni Tulfo

Saad pa nito, 35 taong gulang na Chinese national ang pinakabatang nabigyan ng retirement visa.

“Imagine, 35 years old na mga Chinese nationals ang binigyan natin ng SRRV? Ganyan ang edad ng kalakasan ng tao, bakit retirement visa ang gamit nila? E pwede nga silang sundalo sa edad na 35 years old,” aniya.

Ihahain ni Tulfo ang resolusyon sa mababang kapulungan ngayong June 18, Martes.