3 sugatan sa van na nahulog sa bangin sa Pio Duran

Naputukan ng gulong ang sasakyan habang binabagtas ang kalsada.

ALBAY – Sugatan ang tatlong sakay ng kulay brown na Suzuki mini truck matapos mahulog sa 40-talampakang lalim na bangin sakop ng Barangay Mamlad, Pio Duran, Albay nitong Linggo, October 1, 2023.

Nabatid na galing sa isang pagtitipon ang mga biktima at pauwi na sana subalit pagdating sa kurbadang bahagi ng daan, pumutok ang isang gulong ng naturang sasakyan dahilan upang mawalan ng kontrol ang drayber nito at deretsong bumulusok sa bangin.

Napag-alaman ding madilim ang daan at may pag-uulan pa noong araw ng aksidente.

Mapalad namang minor injuries lamang ang natamo ng mga biktima.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Officer ng naturang bayan na si Noel Ordonia, nitong Lunes, October 2, 2023 nang mai-report ng isa sa mga lulan ng mini truck ang pangyayari matapos na humingi ito ng tulong na maihila pataas ng bangin ang kanilang sasakyan.

Nabatid ding accident prone area ang lugar kaya nananawagan si Ordonia sa gobyerno na malagyan na ng pailaw ang naturang bahagi ng daan upang hindi na maulit pa ang ganitong aksidente.