3 Pinoy nasaktan sa lindol sa Taiwan – DMW

Tatlong Pinoy ang nagtamo ng minor injury kaugnay ng magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Taiwan noong Miyerkoles, batay sa tala ng Department of Migrant Workers (DMW).

Tatlong Pinoy ang nagtamo ng minor injury kaugnay ng magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Taiwan noong Miyerkoles, batay sa tala ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sa isang panayam nitong Huwebes, inilahad ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na isa sa tatlong nasaktan ang nabagsakan ng kisame, samantalang ang isa ay nasugatan sa kamay habang lumilikas, at ang isa ay nanghina dahil sa lindol.

“All of them are okay, minor ang kanilang natamong injuries. ‘Yung dalawa nakalabas na sa ospital,” saad ni Cacdac.

Ang nasa ospital na lamang ay ang Pinoy na nanghina, ayon kay Cacdac.

“Pero stable siya, in good condition. Precautionary medical measures ang isinagawa sa kaniya, just to be sure,” dagdag pa niya.

Samantala, sa kabuuan ay siyam na ang naitalang patay habang higit 1,000 ang nasaktan sa naturang lindol, na siyang pinakamalakas na naranasan ng Taiwan sa loob ng 25 taon.

Higit 159,000 ang mga Pilipinong nasa Taiwan.