246 HIV cases sa Bicol mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon—DOH Region 5

Naalarma ang mga awtoridad sa tumataas na bilang ng kaso, at nagsagawa ng pagpupulong kamakailan para talakayin ang pagpigil sa pagkalat ng nakakahawang sakit, ayon sa Department of Health

LEGAZPI CITY, ALBAY – Ikinaalarma ng Department of Health (DOH) Bicol ang dumaraming kaso ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa Bicol. Sa pinakahuling datos, 246 na ang kaso nito sa rehiyon mula Enero hanggang buwan ng Hunyo ngayong taon.

Sa pinakaunang Regional Conference para sa HIV at Sexual Reproductive Health Summit sa Legazpi City nitong nagdaang Biyernes, Disyembre 1, tinalakay ang mga dahilan kung paano patuloy na dumarami ang tinatamaan ng HIV sa rehiyon.

Nangunguna dito ang unprotected sex, kung saan edad 25 hanggang 34 anyos ang nagpostibo sa virus.

Aminado ang National HIV/AIDS at STI Prevention and Control Program Coordinator ng DOH Bicol na si Samuel David Banico na humina ang kanilang kampanya kontra HIV na posibleng dahilan para lumobo ang bilang nito.

Simula 1984 hanggang ngayong 2023, nasa 2,400 na ang tinamaan ng HIV sa Bicol, 94 percent sa mga may HIV ay kalalakihan.

Bukod sa unprotected sex, posible ring makuha sa patuturok ng syringe, breastfeeding, at pwede ring mahawaan ng HIV positive na buntis ang kanyang anak na sinapupunan. Kung hindi agad maaagapan posible namang mauwi ang HIV sa Acquired Immunodificiency Syndrome o AIDS.

Samantala, dumalo rin nasabing summit ang Gentlemen Bicol for Sexual and Reproductive Health and Rights Incorporated, Network Philippines, Pilipinas Shell Foundation, Y-Peer Pilipinas, The Forum For Family Planning and Development, Department of Social and Welfare and Development (DSWD), at Commission on Population and Development Bicol.