22K pulis, ipapakalat sa SONA

Nasa mahigit 22,000 na pulis at force multipliers ang magbabantay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 22.

Nasa mahigit 22,000 na pulis at force multipliers ang magbabantay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 22.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief at Task Force SONA commander Major General Jose Melencio Nartatez Jr., nasa 17,971 na opisyal mula sa Metro Manila, 1,879 mula sa police regional offices kasama na ang Central Luzon at Calabarzon, at 2,771 mula sa government agencies ang magbabantay sa SONA.

“Bukod sa Security Task Force SONA 2024, ay may mga itatalaga din tayong sub-task groups na pamumunuan ng ating limang district directors sa Metro Manila. Hindi lamang seguridad ang ating ipapakalat kundi maging medical assistance kaakibat ang mga pampubliko at pribadong ahensya,” pahayag ni Nartatez.

“Sa paghahanda para sa nalalapit sa State-of-the-Nation Address (SONA), nagsisimula na tayong magkaroon ng simulations upang magkaroon tayo ng ideya kung magiging epektibo ang ating mga inilatag na preparasyon,” pahayag ni Nartatez.

Bukod sa bisinidad ng House of Representatives sa Batasan, Quezon City, babantayan din ng mga pulis ang iba pang mga lugar gaya ng simbahan, malls, at mga vital installations gaya ng terminals, airports at seaports.

Mahigpit din aniyang babantayan ng kanilang hanay ang Chino Roces Bridge (Mendiola) malapit sa Malacañang Palace at ang United States Embassy sa Manila, pati na ang EDSA Shrine sa Quezon City kung saan maaring isagawa ang mga rally.