2 tustado sa live wire habang nagkakabit ng solar lights

Dead on arrival ang dalawang lalaki matapos madikit sa isang live wire na malapit sa ikinakabit nilang solar light.

LEGAZPI CITY, ALBAY – Patay ang dalawang lalaki matapos na makuryente sa live wire habang nagkakabit ng solar lights sa Purok 1, Barangay Dita mag-aalas-10:20 ng umaga nitong Sabado, Setyembre 23, 2023.

Kinilala ang mga nasawing sila Arriz Antonio Bolante ng Barangay Bigao, Daraga, Albay at Rhenzi Villamin ng Sagpon, Daraga, Albay na sinubukan pang itakbo sa ospital subalit hindi na umabot pa ng buhay.

Ayon sa live-in partner ni Bolante na si Sarah Jane Loncera, nakapag-paalam pa sa kanilang mag-ina ang biktima na aalis lamang saglit subalit hindi diumano nito nabanggit na mag-e-extra pala ito sa pagkakabit ng solar lights, nalaman na lamang niya ang sinapit ni Bolante nang tumawag sa kanya ang ospital na pinagdalhan dito.

Base sa imbestigasyon ng Legazpi City Police Station (PNP), dumikit ang poste ng solar light sa live wire malapit sa paglalagyan ng solar light dahilan para makuryente ang mga biktima.

Sa tala ng istasyon, ito ang ikalawang insidente ng pagkakakuryente o electrocution sa lungsod kung saan tatlo ang binawian ng buhay.