2 patay, 2 sugatan sa karambola ng tricycle, 2 motor

Hindi raw nakasindi ang headlight ng tricycle nang pumunta ito sa kabilang linya ng kalsada, at sumalpok ang dalawang paparating na motor.

CAMARINES SUR – Dead on arrival ang dalawa pasahero ng isang tricycle sa nangyaring karambola dakong alas-10:00 ng gabi nitong Biyernes, Setyembre 22, 2023.

Kinilala ang mga nasawing sina Vicente Nollora, 37-anyos at Richard Pardinas, 36-anyos ng Barangay Beberon ng naturang bayan.

Sugatan rin ang isang kasamahan ng mga namatay na si Antonio De Guzman.

Nagtamo rin ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang motorcycle riders sa nangyaring aksidente na kinilalang sila Patrol Woman Niecy Notado y Notario at John Klein Perua, 22-anyos na residente rin ng naturang lugar.

Ayon sa himpilan ng San Fernando Municipal Police Station, may iniwasang barikada ang tricycle dahilan upang maokupa nito ang kabilang linya, at dahil walang headlight, hindi diumano nakita ng dalawang motorcycle rider ang tricycle at nauwi sa kanilang banggaan.

Napag-alaman ring nakainom ng alak ang mga lulan ng tricycle na galing sa isang pagtitipon at patungo sana sa lamayan sa naturang barangay.