2 kelot sa Naga City timbog sa droga

Arestado sa magkakahiwalay na operasyon ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang iligal na droga sa Naga City, Camarines Sur.

Ngayong Miyerkoles ng madaling araw nadakip ang isang 53-anyos na lalaki matapos magbenta ng isang sachet ng shabu sa isang undercover agent sa Barangay Cararayan.

Nang halughugin pa ang kuta ng suspek ay nadiskubre ang 10 pang sachet ng ipinagbabawal na gamot. Sa kabuuan, 55 gramo ng shabu ang nakuha mula sa suspek.

Samantala, nitong Martes ay isang 26-anyos na lalaki ang nalambat ng kapulisan sa Barangay Sta. Cruz. Pitong sachet naman ng ipinagbabawal na gamot ang nakuha mula sa kanya.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.