2 kandidato sa BSKE sa Oas, Albay, inireklamo sa premature campaigning

Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang dalawang kandidato kung bakit hindi sila dapat parusahan sa mga diumanong paglabag sa alituntunin ng eleksyon.

ALBAY – Pinadalhan ng Commission on Elections (Comelec) ng show cause order nitong Miyerkules, Setyembre 20, 2023 ang dalawang kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa bayan ng Oas dahil sa diumano’y premature campaigning.

Isang kandidato sa pagkapunong-barangay at pagka-kagawad ang nasampulan ng COMELEC kung saan binibigyan sila ng tatlong araw na palugit upang makapagpaliwanag.

Ayon kay Atty. Connie Castilla, maaaring sampahan ng election offense at disqualification case ang dalawang kandidato kung sakaling balewalain ng mga ito ang show cause order.

Saad pa niya, hindi naman diumano sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga kandidato.

Kasama sa mga ipinagbabawal ng COMELEC ay ang pamimigay ng campaign materials na naka-imprenta ang mukha o pangalan ng isang kandidato at ang pangangampanya sa social media.

Sa ngayon, wala pa namang natanggap na kasagutan ang opisina sa dalawang kandidato.