2 empleyado ng DepEd-Camarines Norte, na-aktuhan sa pot session sa loob ng paaralan

Tinututukan ng kagawaran ang imbestigasyon sa mga empleyado nito at nangakong paparusahan ang mga may sala.

Tinututukan ng kagawaran ang imbestigasyon sa mga empleyado nito at nangakong paparusahan ang mga may sala.

CAMARINES NORTE – Nagkasa na ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) Bicol matapos mahuli ang dalawang empleyadong nabistong nagpa-pot session sa loob mismo ng eskwelahang pinapasukan sa Basud, Camarines Norte nitong Oktubre 6.

Iginiit ni DepEd Bicol Spokesperson Mayflor Jumamil, walang dapat ikaalarma ang publiko dahil isolated ang kaso at mahigpit nila itong tinututukan upang hindi na maulit pa.

Matatandaang nahuli ang dalawang suspek na sina alyas ‘Lito’, 52-anyos, isang school watchman, at alyas ‘Den’, 50-anyos na isang school driver, pawang mga residente ng Purok 2, Barangay Poblacion 1, Basud, Camarines Norte matapos maipagbigay-alam ng isang concerned citizen sa Basud Municipal Police Station (MPS) ang insidente.

Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng pot session ang isang aluminum foil na pinaniniwalaang mayroon pang tirang shabu, tatlong pirasong aluminum foil o tooter, dalawang pirasong lighter na nagsisilbing burner, at isang inner tube ng ballpen.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Basud MPS ang mga suspek pati na rin ang mga nakuhang ebidensya para sa tamang disposisyon.