2 convicted manyak na kano, nalambat sa NAIA, Clark

Dalawang Amerikanong sex convicts ang nalambat ng Bureau of Immigration (BI) habang sinusubukang pumasok sa Pilipinas.

Dalawang Amerikanong sex convicts ang nalambat ng Bureau of Immigration (BI) habang sinusubukang pumasok sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na isa sa mga convict ang nahuli sa Clark International Airport sa Angeles City noong Pebrero 21, habang sa Ninoy Aquino International Airport naman natimbog ang isa pa noong Pebrero 26.

Kinilala ang dalawa na sina Peter Joseph Cahill, 60 anyos, na dumating sa Clark mula Taipei at Ryan Lindley, 30 anyos, na bumaba sa NAIA Terminal 3 buhat sa Guam.

Ayon kay Tansingco, ang dalawang kano ay agad na nilagay sa kustodiya ng otoridad at pinabalik sa kanilang pinanggalingang bansa.

“They were also banned from entering the Philippines as a consequence of their inclusion in our immigration blacklist of undesirable aliens,” dagdag pa ni Tansingco.

Paliwanag ng opisyal, sinumang dayuhan na registered sex offender ay pinagbabawalang pumasok sa bansa ayon sa Philippine Immigration Act.

Ayon sa Border Control and Intelligence Unit ng BI, si Cahill ay napatunayang guilty sa kasong possessing and controlling obscene material depicting a minor in sexual conduct noong 2015.

Samantala, si Lindley naman ay na-convict sa Louisiana noong Nov. 2, 2023 dahil sa two counts ng indecent behavior with a juvenile.