15 kandidato sa BSKE, inakusahan ng premature campaigning

Pinagpapaliwanag ng Comelec-Albay ang mga kandidato matapos padalhan ng show cause order, ayon sa ahensya.

LEGAZPI CITY – Umabot na sa l5 ang nabigyan ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) sa probinsya ng Albay dahil sa premature campaigning.

Nangunguna sa listahan ang bayan Oas na may anim na napadalhan ng show cause order, dalawa sa bayan ng Guinobatan at Sto. Domingo habang may tig-iisa ang lungsod ng Legazpi, Tabaco, mga bayan ng Polangui, Daraga, at Rapu-Rapu.

Umaasa ang election supervisor na si Atty. Ma. Aurea Bo-Bunao na hindi na madagdagan pa ang naturang bilang at nawa’y sundin na lamang ng mga kandidato ang mga panuntanan sa halalan gayundin na antayin na lamang ang campaign period.

Kaugnay nito, binigyan din ng Comelec ng karampatang araw ang mga na-isyuhan ng show cause order para makapagpaliwanag.

Samantala, opisyal na sisimulan ang pangangampanya ng mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan election 2023 sa October 19 at magtatagal hanggang October 28, 2023.