143 estudyante ng Bicol University-College of Medicine, napiling scholars sa programang “Doktor Para Sa Bayan” program

Libreng tuition, mga allowance hanggang sa gastusin sa board exams, sasagutin ng gobyerno sa mga kwalipikadong scholars.

LEGAZPI CITY – Kabuuang 143 na Medicine students ng Bicol University College of Medicine (BUCM) ang nakapasok bilang panibagong scholars sa programa ng gobyerno na ‘Doktor Para Sa Bayan’.

Ayon sa Dean ng BUCM na si Dr. Ofelia Samar-Sy, ang nasabing programa ay makakatulong lalo na sa mga estudyanteng kapos sa buhay subalit pursigido sa pangarap na maging doktor.

Mababatid na sa ilalim ng programa, sagot na ng gobyerno ang mga gastusin ng mga kwalipikadong Pilipinong estudyante tulad ng matrikula, allowance sa libro, uniporme, pamasahe at dormitory, medical equipment, bayad sa internship, bayad sa Medical Board Review at kahit sa Licensure fees.

Taong 2020 nang aprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang programa at opisyal na naging batas.

Nakapaloob din sa programa na awtomatikong magsisilbi sa bansa ang mga scholars sa loob ng anim (6) hanggang pitong (7) taon.