14 na Pinoy, nakalabas na ng Gaza

Ligtas na nakalabas ng Gaza Strip ang 14 na Pilipino noong Pebrero 17, ayon sa ulat ng Philippine Embassy sa Egypt nitong Linggo.

Ligtas na nakalabas ng Gaza Strip ang 14 na Pilipino noong Pebrero 17, ayon sa ulat ng Philippine Embassy sa Egypt nitong Linggo.

Ayon sa embahada, ang 14 na Pinoy ay nakalabas ng Gaza sa pamamagitan ng Rafah border sa Egypt. Kasama ng mga Pilipino ang dalawang Palestinian.

“This latest batch of repatriates is scheduled to leave Cairo on February 20, 2024 and will arrive in Manila on 21 February 2024,” saad ng embahada isang pahayag.

Dahil dito, ang 63-anyos na madre na lamang ang natitirang Pilipino sa Gaza. Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, piniling manatili ng madre sa Gaza dahil ang kanilang simbahan ang nagsilbing takbuhan ng mga Palestinian sa gitna ng digmaan.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Wilfred Santos, Philippine Ambassador sa Jordan, na nawalan sila ng contact sa madre noong Nobyembre.

Batay naman sa tala ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, umabot na sa 136 ang bilang ng mga Pilipino na nailikas mula sa Gaza.