113 SUCs nagpasalamat kay Speaker Romualdez sa P128.1B budget

Tıniyak naman ni Speaker Romualdez sa PASUC na prayoridad na mapondohan ang mga paaralang pinatatakbo ng gobyerno na bahagi ng marching order ni PBBM para hindi maiwan ang ating mga kabataan sa globalized era.

Nagpasalamat ang pamunuan ng 113 state universities and colleges (SUCs) kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa inilaang P128.1 bilyong budget sa ngayong 2024 na mas mataas ng P27.3 bilyon kumpara sa kanilang panukalang budget.

Sa liham na may petsang Enero 10 na ipinadala ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) sa tanggapan ni Speaker Romualdez nagpasalamat ito sa Kamara de Representantes sa paglalagak ng “unprogrammed funds” na magagamit para sa kakulangan sa free higher education (FHE) noong school year 2022 at 2023.

“I would like to express our deepest gratitude once again for your crucial role in securing additional funding support for SUCs in the 2024 General Appropriation Act,” ani Dr. Tirso Ronquillo, pangulo ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC).

Giit pa nito na malaking tulong ito para mapagbuti ang kanilang serbisyo sa mga kabataan.

“Your dedication and efforts in enlisting the support of your esteemed fellow congressmen have been instrumental in ensuring that our students have the necessary assistance to succeed in college under the government’s free higher education program,” dagdag ni Dr. Ronquillo.

Ayon kay Ronquillo, kasama sa matutulungan ng dagdag na pondo ang 1.85 milyong estudyante na naka-enroll sa iba’t ibang SUC sa bansa, 72,000 faculty at staff, at 50,000 job orders at contract of service workers.

Tıniyak naman ni Speaker Romualdez sa PASUC na prayoridad na mapondohan ang mga paaralang pinatatakbo ng gobyerno. “This has always been the marching order of our President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. to make sure that our students are not left behind in this globalized era.”

Kabilang sa mga pasok sa unprogrammed funds ay P20.1 bilyong capital outlay para sa “digital transformation” o “smart campus system ng pitong SUC; P7 bilyon para sa FHE deficiency noong 2022 at 2023; P5.3 bilyon para sa pagtatayo, pagtatapos, at pagsasa-ayos ng mga classroom at dormitoryo ng 40 SUC.

Kasama rin ang P692 milyon sa ilalim ng maintenance and other operating expenses para suportahan ang College of Medicine ng 22 SUC; P232 milyon para sa “Capacity Development on Futures Thinking and Strategic Foresight” at P273 milyon para sa “Tulong Dunong program” ng mga SUC; P115 milyon para sa pagpapataas ng carrying capacity ng nursing health programs ng tatlong SUC; P100 milyon para sa miscellaneous personnel benefits fund (MPBF) na gagamitin sa reclassification ng mga faculty position.