1 patay, 8 sugatan sa 4 na disgrasya sa mga kalsada sa Camarines Norte, Camarines Sur

Payo ng mga awtoridad sa mga biyahero na mag-ingat sa pagmaneho habang binabaybay ang mga mataong kalsada tulad ng Maharlika Highway.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang rider matapos na mabundol ng kasalubong na motorsiklo sa Maharlika Highway sakop ng Barangay San Isidro, Talisay, Camarines Norte noong nakaraang Biyernes, Disyembre 1.

Kinilala ang nasawing si Alyssa Joy Roll Llames, 20, estudyante ng residente ng Barangay Lag-on, Daet.

Sa imbestigasyon, galing si Llames sa Labo at papuntang sa direksyon papuntang Daet pero habang binabaybay nito ang naturang kalsada, nabundol ito ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho naman ng 37-anyos na si Jerico Valencio Herico at residente ng Bagacay, Labo na sugatan dahil sa nasabing aksidente.

Sa San Fernando, Camarines Sur sugatan naman ang mag-lolo matapos na mabundol ng isang pampasaherong jeep ang sinasakayang motorsiklo sa Barangay Bonifacio mag-a-alas-12:00 ng tanghali noong Linggo, Disyembre 3.

Sa inisyal na impormasyon, papaliko na sana ang motorsiklo na minamaneho ng 76-anyos na biktima sakay ang mga apo nitong menor de edad nang bigla na lamang mabundol ng pampasaherong jeep. Agad naman nabigyan atensyong medical ang mga biktikma at naidala sa ospital.

Sa Ocampo ng parehong probinsya, alas-4:00 ng hapon ng parehong araw, tinulungan ang apat na sakay ng tuminagilid na kotse sa kalsadang sakop ng Zone 4, Barangay Ayugan.

Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng madulas na kalsada dahil sa pag-uulan ang tinuturong dahilan ng insidente.

Sa Libmanan, Camarines Sur, sugatan din ang isang motorista matapos na makabangga sa isang dump truck sa Barangay San Isidro pasado alas-8:10 ng umaga, Disyembre 4.

Kaagad namang naidala sa ospital ang rider habang patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad sa pangyayari.