1 lalaking na pinaghihinalaang terorista, nasakote ng mga pulis sa Masbate

Ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon para hulihin ang suspek, na pinapa-aresto ng korte sab isa ng isang warrant of arrest.

MASBATE – Tuluyang napasakamay ng otoridad ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa probinsya ng Masbate.

Ito ay kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest ng Regional Trial Court Branch 49 – Cataingan, Masbate sa kasong pagpatay ng suspek na kinilalang si alyas ‘Jessie’, 38-anyos at lineman ng Barangay Baras, Esperanza, Masbate.

Ikinokonsidera si alyas ‘Jessie’ bilang Most Wanted Person sa nasabing bayan at aktibong miyembro ng CTG sa pamumuno ni Rogelio Suson, alyas ‘Manong Command’ ng Kilusang Gerilya South, Sub-Regional Commitee 4, Bicol Regional Commitee na nag-o-operate sa ikatlong distrito ng Masbate.

Si alyas ‘Jessie’ din ang hinihinalang nasa likod ng mga karahasan katulad na lamang ng mga insidente ng pamamaril sa kanilang lugar maging sa mga katabing bayan.

Isinagawa ang operasyon sa pinagsanib-pwersa ng Esperanza Municipal Police Station (MPS) sa pangunguna ni Police Captain Allan Hermosa, Regional Intelligence Unit 5, Masbate 2nd Police Mobile Force Battalion at Philippine Army sa nasabing barangay, dakong Ala-1:00 ng hapon nito lamang Lunes Oktubre 9.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Esperanza PNP ang suspek at hindi inaasahang makakalabas pa ito ng kulungan dahil sa walang piyansa an kasong kanyang kinakaharap.