1 kandidato sa pagka-kagawad sa Abra, patay—Comelec

Umatras na rin ang 122 na kandidato mula sa probinsya sa nalalapit na halalan at maging ang ilang guro na magsisilbi sa BSKE, ayon sa pinuno ng Commission on Elections (Comelec)

Isang kandidato sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ang nabaril sa Bucay, Abra, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ng Comelec na nakatanggap ito ng ulat mula sa tanggapan nila sa Abra na ang biktima sa pamamaril ay tumatakbong kandidato sa pagka-kagawad.

“Yang development na ‘yan is, of course, a concern on the part of the Commission on Elections dahil kung medyo may nangyaring insidente na nagbuwis ng buhay ang isang kandidatong kagawad, although initial na report lamang sa atin ng ating provincial election supervisor, then napaka-serious concern na ‘yan,” sinabi ni Comelec chair George Garcia sa isang panayam.

Maliban sa insidente, marami na ring natanggap na ulat ang komisyon tungkol sa mga karahasan sa probinsya, ayon kay Garcia.

Sinabi pa ng opisyal na inaantay na lang nito ang pormal na ulat mula sa mga awtoridad upang makapagpasya na ang Comelec kung paano resolbahin ang sitwasyon.

Kinumpirma rin ni Garcia na umabot na sa 122 na kandidato sa Abra ang umatras mula sa eleksyon.

“Talagang umaayaw. Kung tinatakot o hindi, wala po kasing ebidensiya so far. And therefore, nakikipag-coordinate tayo sa DILG (Department of the Interior and Local Government) at saka sa Philippine National Police,” aniya.

Maging ilang mga guro sa Abra ang nagpahayag na umatras mula sa duty sa election.

“‘Yung mga teachers talaga, ang pag-atras po kasi ay dahil sila ay related doon sa mismong mga kandidato sa mismong barangay. And therefore, wala naman po ‘yung sinasabing threat o violence against their person,” paliwanag ni Garcia.